Sa Trono Ng Kubeta


     Itong taon na ito siguro ang masasabi kong may pinakamabigat na kwento. Iyon bang kada buwan ay may pa plot twist na naganap. Bigla kang magugulat sa saya, pagkatapos walang pasubaling kakambiyo't liliko ng siyamnapung digring anggulo sa sakit. Naalala ko, ika-tatlo pa lamang ng Enero, binasagan na ako ng pangarap. Ewan ko ba. Simula no'n, wala na. Nagtuloy tuloy na talaga siya. Natutuhan kong mas may ilalalim pa pala ang salitang panaghoy. Sa labing dalawang buwan, hindi ko nakuhang makaahon. Wasak na wasak ako. Para kong lingguhang umaambang tumalon sa mataas na gusali. Iyong pakiramdam na buhay ngunit halos hindi humihinga. Iyong kinakawayan mo si Kamatayan, handa ka nang magpasundo't magpakidnap na ng tuluyan. Sa madaling sabi, itong taon na ito ang pinakamasamang taon nang buhay ko. Itong taon na ito, natutuhan ko kung paano umupo sa trono ng kubeta. 

     Sa mga nakalipas na taon, may dalawang rason lang kung bakit ako nasa loob ng kubeta - ang maligo at dumumi. Aba'y siyempre, ginawa ang kubeta para sa dalawang bagay na iyan. Sa umaga, kung sinipag at napaganda man ang tulog sa gabi, alas siyete pa lamang, susuungin ko na ang lamig ng tubig-poso at maliligo agad. Madalas kasi na sa hapon ako naliligo. Bagay na nakasanayan ko na. Kaya naman madalas din akong masermonan ng mga nakatatanda sa bahay; kesyo masama raw ang maligo sa hapon at baka ako'y malamigan. Hindi ko naman sila masisisi, pansin nilang mahina ang pangangatwan ko, lalo na ang baga. Pero wala e. Mas sanay akong maligo sa hapon, minsan pa nga'y sa gabi. Hindi ko alam kung saan tayo patungo pero kagaya ng mga masasakit na karanasang naranasan ko sa taong ito, humantong naman ako sa punto ng pagkatuto. Nakarating naman ako sa lugar kung saan nakaramdam ako ng init, ng ginhawa at ligtas na espasyo. Sa pagkakadiskubre ko sa lugar na iyon, nasumpungan ko ang pagpapatawad sa sarili. Na nagbunga ng mga positibong salita; kasiyahan, pananalig, katatagan, at kasiglahan. 

     Sa mga nakalipas na taon, hindi naman espesyal ang tingin ko sa kubeta. Isang parte lamang ito ng bahay ng lolo ko na mahalaga sa pang araw-araw naming pamumuhay. Subalit sa taong ito, kung saan pinalanghap sa'kin ang pinakamaitim na usok ng tambutso, ang kubeta na dati rati'y hamak na malamig na kwartong may sahig na palaging basa ay tila nagsilbing tahanan ng aking mga itinatagong luha. Ang inidoro, kung saan nagsisilbing trono ng kubeta, ang nagbigay sa'kin ng ligtas na kanlungan. Sa palagiang pagkupkop at pag-upo ko rito, nakalaya ako sa sakit. Sa trono ng kubeta, nahanap kong muli ang sarili. Paisa-isa kong nadampot ang durog na mga piraso ng pagkatao ko. May mga lamat at basag pa rin naman sa ngayon na sasalubungin ang bagong taon, man lamang nasimulan ko na ulit ang paghilom. 

~

Yakap tayo nang mahigpit, 2024. :)

Mga Komento

Kilalang Mga Post