Bahala Na...

 


May mga bagay palang mas mabuting pakawalan kaysa manatili sa'yo.
Hindi dahil gamit na gamit mo na,
O napagsawaan,
Sadyang hindi na nito naibibigay ang kasiyahan mo.

May mga pagkakataon palang mas mabuting lisanin kaysa babaran mo ng oras at emosyon.
Hindi dahil sobrang naubos ka,
O ito'y panandalian lang,
Sadyang hindi na ito tumutugon sa ikabubuti mo.

May mga tao palang ipakikilala sa'yo para lang mag-iwan ng marka.
Hindi palaging maningning na ngipin mo itong sasalubungin,
Hindi rin naman mugtong-matang titingnan,
Sadyang dumaan lang sa buhay mo para may matutunan ka.

Ayos lang pala mabigo.
Ayos lang maligo sa mga tanong na ilang buwan mong sinasagutan mag-isa.
Ayos lang palang maghilom nang tahimik.
Ayos lang, kahit abutin ng taon o dalawa.

Takot na takot ako dati sa kasabihang 'Bahala Na'.
Pakiramdam ko, hindi ito maganda kasi wala kang tiyak na desisyon at inaasahang resulta.
Takot lang pala kong bitawan ang mga sarili kong plano.
May karugtong pala dapat; 'Bahala na ang Diyos'.

#ToGodBeTheHighestGlory
#25th


Mga Komento

Kilalang Mga Post