Dapit-hapon, sa ilalim ng puno ng bayabas.


Bungad na pagbati'y mga mata,
suot ang takip sa mukha at sambalilo.
Pagkauway pira-pirasong salita noong una,
Matagal na rin pala nang huling makihalubilo.

Masaya't nakagagaan ng puso,
ang maranasan at makita ang mga pagbabago.
Sa mga halo-halong tagpong bumabalik,
Paanyaya ng mga alaalang sabik.

Pakiwari ko'y tunay,
ang nagawa naming ingay.
Salamat sa nagbabasa nito,
masaya akong maranasang muli ang presensiya mo.

Muli akong nakapagtipa,
dahil sa mga tawa, istorya, at tsaa.
Sapat na para makilala,
ang mga damdaming lalamanin ng tula.

Isa itong paalala,
na kailangan mo ring makalaya.
Mula sa apat na sulok ng iyong kwarto,
minsa'y nasa labas ang tunay na kwento.

Dapit-hapon iyon, 
sa ilalim ng puno ng bayabas.
Pikit-matang nakahinga,
mula sa bigat na dala ng umagang lumipas.

Bukas-matang sinalubong,
ang pagpapalit ng hangin.

Angkop ang lamig ng gabi,
upang makalayang muli...

Nakauwi akong may ngiti sa mga labi.

Mga Komento

Kilalang Mga Post