Sa Bayan Kong Api
Isang daan at dalawampu't dalawang taon na ang nakalipas,
nang tumayo ako at lumaban.
Hindi ang paghahangad na makilala't mabansagang matapang,
ang puno't dulo ng himagsikan.
Naalala ko pa noon,
nagsimula sila sa pagbibigay at pagpapakilala ng mga bagay na wala kami.
Sa karangyaan nila nabihag ang bayan ko,
Matapos ay paunti-unting kalayaan ay tinali.
Sa pinundar kong mga salita nabuhay ang katipunan.
Sa pag-ibig namulat ang mga anak ng bayan.
Ang pag-asang maihayag ang sarili,
Sama-sama kaming humiyaw at tumindig.
Sasabihin ko,
Aling pag-ibig pa ba ang hihigit sa pag-ibig sa tinubuang lupa?
Sa bayan kong api,
Wala na nga, wala.
Namuhay kami sa katotohanang hindi sapat ang mga salita para makalaya.
Marami sa amin ang nakaranas ng paghihirap bago ang mawala.
Ang pagbasag sa katahimikan ay kailanma'y hindi kasalanan,
Ang pananahimik sa gitna ng ingay ang katampalasan.
Sana nakilala mo ako.
At kilalanin at bigyang pugay ang mga katulad ko.
Ako 'to, si Andres...
Na mahal na mahal ka, bayan ko.
Ang buhay ko kapalit ang kalayaan mo.
#ArawNgKalayaan
#JunkTerrorBill
#KalayaanIpaglaban



Mga Komento
Mag-post ng isang Komento