Tayô na táyo


At sabay sabay tayong magduda...
sa panahon,
sa paghilom,
sa pagtugon.

Dahil tinuruan tayong magtanong.
Pinunlaan ng mga talinghaga na madalas na sila lang ang nakakaalam.
Dalawampung taon akong nagpunla,
ng mga talinghagang sa dibdib nanggaling,
At natutunan naman ng mga taong pulutin ang bunga ko.

Sa kanila lang ang hindi.

Kaya naman, ayos lang ang magduda.

Sabay sabay tayong malungkot sa mga nakikita ng ating mga mata.
Ang mga pa-utal na sentimyento ng pag-ibig nila sa tinubuang lupa.
Ang pagdidilig nila ngayon sa mga nalalantang palay...
Ang panlulupaypay ng mga naturang biyaya ng bayan.

Isa-isahin nating buklatin,
ang mga pagkakamali.
Pagtatama at pagtatahi.
Salubungin,
ang mga mukhang minsanan lang kung makita.

Sinasabi ko, ayos nga lang ang magduda.
Dahil tinuruan tayo ng panahon na maghilom at tumugon.

Kasangkapanin natin,
ang malayang paghahayag.
Hindi ang talim ng mga salita ang nagpapalaya,
kung hindi ang katotohanan.

Katotohanan at katotohanan lamang.
Sa katotohanan tayo.

Hindi dahil sa hintuturong may itinuturo nagmula ang katapangan.
Noon pa man,
ang pakikibaka'y 
puhunan na ng mga anak ng bayan.
Laban sa mga maling kapamaraanan.

Palaging para sa nakararami,
sa masa.
Hindi para pakainin ang sarili,
pero para sa bawat tahanang hirap lamanan ang lamesa.

Nasa estado tayo ng pagsubok at pagkakamali.
Anu't anuman,
Umaga na, bayan ko.
Panahon na para bumangon.

Tayô na táyo.

Mga Komento

Kilalang Mga Post