Tahimik Ang Baril Na Ipinutok Sa Akin


Note: Ang tulang ito ay isinulat para bigkasin. Binigkas noong ika-26 ng Nobyembre, taong 2019, sa paggunita at pag-alaala sa mga yumaong mamamahayag na biktima ng kahindik-hindik na trahedyang Ampatuan Massacre. Ginanap sa PLMun Quadrangle gawing ika-8 ng gabi, sa pangunguna ng publikasyong The Warden; the official student publication of Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.

#EndImpunityNow
#StopTheKillings
#JusticeNow

~


Unti-unti kong pinatatahan ang puso ko sa pagtanggap ng mga balitang laman ay dahas, 
patay na prinsipyo,
durog na mga piraso ng pagkatao at
natutulog na katotohanan. 

Dadahan-dahanin ko ang pagbitaw ng mga salita,
dahil baka,
magwala ako rito at mag-iwan ng mga salitang binihisan ng kulay pulang damit dahil bukod sa ito ang kulay ng pag-aalsa't pakikibaka,
ito ang kulay ng digmaan.
Pero,
hindi ako magsasalita upang lumikha ng kaguluhan.
Dahil sa simula't simula naman,
kapayapaan ang nais natin para sa ating bayan...
Nais ko lamang sabihin na...
Ang tulang ito ay para sa iyo.
Oo,
Ikaw.
Matamaan ka sana...
Ikaw,
na nang alipusta na't lahat ay nakuha paring tumawa...
Nagbayad! 
Nang bungkos-bungkos na salaping galing din naman sa'min.
Sa masa!
Magbabayad ka!
Sana...
Ikaw na nagpatahimik sa baril na ipinutok sa akin...
Magbabayad ka...sana.

Ang tulang ito ay pinamagatang...
Tahimik ang baril na ipinutok sa akin.

Totoo,
tahimik ang baril na ipinutok sa akin.
Hindi mo maririnig. 
Dahil matapos kong masaksihan,
tamasahin,
at mailathala,
ang palagiang pinapanis at tinatago nilang katotohanan,
ay inaagaw nila ito mula sa akin at iniinit lang muli upang ihain sa inyong harapan.
Hindi niyo lang alam,
nauna nang mag-away-away ang mga langgam,
sumasama pa nga ang mga dagang mauutak na nangangagat at sasama rin ang mga baboy na kumikinang ang mga balat. (Nga naman, hindi nakapagtataka, yumaman nga pala sila)

Maniwala ka,
na kapag sinabi kong ang baril na ipinutok sa akin ay tahimik,

Hindi mo na ako maririnig dahil,
nang minsan akong sumama upang mamalita at ibalita ang halalan ng bansa,
ay nagising akong kahalikan ko na ang lupa.
Ang tinta na siyang sandata ng mga kagaya kong nagpapalaya ng mga taong kinulong nila sa kamangmangan ay tuluyang isinaboy sa daan.
Hindi nila alam na kapag natapakan niyo ito, sama-sama tayong tutungtong at sisigaw sa entablado,

May iiwan itong bakas.
Wala silang takas.
Wala dapat silang takas.

Kahit na ang mga papel kong ipinakalat ay sunugin nila't ipampunas sa pwet nilang kalyado dahil sa palagiang pag-upo,
Hindi dapat sila makakalayas!
...sa bansang inupuan nila ng matagal at walang pagtayong naganap...
para sa mga inuusig
para sa mga dusang api't walang pangalan
para sa'yo
para sa akin
para sa masang tinalikuran ng harapan...

Sinisiguro ko sa'yo,
Minsan ka nang naawitan nila.
Ikaw, 
na nagpauto,
ay bobotong muli...
at pipiliin, siya.
Siya na matunog ang pangalan dahil kalalabas niya palang ng kulungan.
Siya na tanyag ngunit wala namang alam.
Siya na bibo 'pag dating sa kalokohan,
at nakuha ka naman...
sa mga labi niyang mapula't manipis,
sa porselana niyang kutis.
Gumising ka bayan ko!
Nakikita mo ba ako?
Nandito ako, tumatayo para sa iyo.
Nilalakad at sinusuyod ang bawat piraso ng iyong pagkatao.
Nandito ako, pa-simple mang hinahawakan ang kamay mo, pero natutuwa ako sa tuwing hinahawakan mo ako pabalik...
Kahit minsan lang iyon.
Suntok pa nga sa buwan kung makakuha ako ng halik.
Nandito ako!
Patuloy kang pinaglalaban...
Pero bakit hindi mo ako makita?
Bakit, bakit hindi mo ako kayang ipaglaban?
Namatay na ako't lahat lahat 
ay wala parin akong sagot na nakukuha?Kasama ko rin bang namatay ang hustisya?
Nandito ako, mahal...lumalaban..
lalaban...
at patuloy na lalaban, palaging para saiyo ako. Palagi't palagi...

Kaya, mahal,
hindi ka bingi nang sabihin kong ang baril na ipinutok sa akin ay tahimik.
Kinuha lang nila ang kalayaan mong marinig, ang tunay na kwento,
sa likod ng magagarbo nilang mga titik.
Isinama ka nila sa mundong ang iyong mga mata,
ay unti-unti nilang pinapalabo,
gamit ang inuuod nilang sistema...
Na pinundar nila mula pa noong una,
matagal na panahon...
Nakakapanlumo man, hinayaan mong maging ganito.
Nakikita mo ba ako?
Anong nangyari sa akin mahal?
Nakakaawang pagmasdan na sinisisid mo ang karagatang walang laman...
Sana sinisid mo ang kaibuturan ng aking pagkatao.
Baka sakaling makita mo sa gitna,
Ang bansag sa iyo...
O bayan ko,
Masama na bang mahalin ka ng lubusan?
Bakit ganito ang ganti mo pabalik?
Perlas ko,
suyurin ko man ang bahay mong silangan,
Wala akong laban.
Wala akong laban.

Hindi mahal, hindi.
Tahimik ang baril na ipinutok sa akin.
Kagaya mo,
Bayan ko.

Mga Komento

Kilalang Mga Post