[ ' ]


Dapat mo nang tigilan ang pagbibilang ng mga gawa;
Kagaya ng paggamit mo ng kuwit.
Masyado ng marami ang mga pa-hintay mo,
Mas maayos kung mayroong kudlit.

Nang magkaroon ng pagtatangi.
Iyon bang hindi mo na kailangan ng dagdag na letra,
Para bawiin at isumbat sa iba,
Ang mga bagay na sinasabi mong dapat ding gawin nila.

Sa'yo na nanggaling.
Sa'yo dapat mapunta ang katotohanan.
Layunin mong makatulong?
Bakit hindi mo makita na ayos lang kahit hindi sa karangala'y makulong?

Kahit naman sinabi ng iyong bibig na hindi ito mahalaga,
Sa isang parte ng iyong pagiging tao, ninanais ng puso mo na makilala.
Naging tagaayos ka ng mga bulaklak;
Sa mga taong mag-aalay ng kumikinang na ngipin at halakhak.

'Di ba't napakabuting tingnan sa mas maayos na anggulo ang sarili?
Makikita mong kanais-nais pagmasdan.
Tanggap mong mabigyan ng papuri,
Tanggapin mo ring may mga salitang hindi kanais-nais pakinggan.

Madalas magamit ng pagkakataon ang mataas na parte ng iyong pagkatao.
Kapag nasagi nito ito o sa masaklap na paraan ay matapakan pa, sisirit ang katotohanan.
Hindi sa lahat ng oras iisipin mong maganda o mabango ka,
Kapwa mawawala ito kapag naranasan mong hindi ka pa sapat sa iba.

Masakit, pero ganoon talaga. 
Mabuhay ka.
Huminga ka ng malalim at buksan ang mata.
Kaibigan, kalakip ng paglaya ang paniniwala.

Mga Komento

Kilalang Mga Post