Sa tuwing umuulan...


Maingay ang bubong ngayon kaya,

ihanda mo na ang pamunas mo sa sakit,
sa langib na naiwan,
sa madikit na gasang pinangtakip mo sa katotohanan.

Huwag kang matakot, hindi ka nila maririnig. Maingay ang bubong ngayon kaya, ihanda mo na ang mga luhang panlunas sa sakit.

Hayaan mong damayan ka ng presensiya ng lamig at yakapin ng mga salitang itinago mo sa ilalim ng unan.
Kunin ng mga nakausap mong ilaw kanina sa daan.
Pakainin ng sandamukal na hikbing binalutan ng matamis na asukal.

Huwag kang matakot, hindi ka nila maririnig. Maingay ang bubong ngayon kaya, ihanda mo na ang batalyon ng mga luhang panlunas sa sakit.

Hayaan mong sila ang lumaban para sa'yo.
Ipakita mo sa kanila na,
kung gaano kahaba ang oras na nilaan mo sa ilalim ng araw,
bibigyan mo sila ng kalayaang huminga at mabuhay para sa'yo.
May panahon ka paring ibibigay sa kanila.
Iyong para sa kanila lamang.

Dahil baka magtampo sila at tuluyan ka na rin nilang iwan.

Sa ilalim ng punong walang sanga.
O sa upuang walang sandalan.
Hindi rin nakapagtataka kung,
makita mo ang sarili mo sa gitna ng kalsada.

Dahil nga nagtampo na sila, wala ka ng makakasama. Hindi na titigil ang ulan.

Magsindi ka na ng kandila.
Isa-isahin mong balasahin ang papel sa iyong kuwardeno.
Damhin ang nakasusulasok na amoy ng bagong tinta.
Tama, hindi na ito mabango, iba sa dati mong pagkatao.



Mga Komento

Kilalang Mga Post