Siradura ng Pinto ng Pagbabago

© Scott Wood Photography

     Sa malayang paghagod ko ng brotsa sa kambas, dumaan ang isip ko sa isang bagay. Kagaya ng mga kulay na siyang kontrolado ko, mananahimik ba ang puso ko sa anyo ng kagalakan? Bagamat naniniwala akong hindi madali ang magsalita gamit ang isang salita, naniniwala akong sa isang salita nag-uumpisa ang pakikipagbuno natin sa iba pang mga salita upang sa kahuli-hulihan ay makabuo tayo ng pansarili nating talata. Na siya namang dahilan para magpatuloy tayo. Naisip ko kahit pa nahagingan ko lang ang proseso ng pagbabago, kagaya ng mga kulay, may magbabago parin. Kahit maliit at hindi mapapansin sa unang tingin, may pagbabago parin sa akin. At marahil uulit ito ng uulit ng hindi ko namamalayan. Doon ako siguro hindi sigurado. 

     Natanong ko nga ang puso ko kung mananatili siyang masaya, ang sagot niya ay hindi. Gayundin, tinanong ko ang ang isip ko gamit ang puso ko, ang sagot niya ay malabong oo at hindi. Depende raw sa nararamdaman ng puso ko kung magiging masaya siya, dagdag pa niya. Sa siyensiya, layon kong magsabi ng totoo, ang utak daw ay siyang puso ng ating pagiging tao. Wala naman akong sinasabing mali, ito naman ay totoo, pero bukas lamang ang isip ko sa mga hinuha ng ibang tao, at kahit pa madalas nating makita ang katotohanan, aminin natin na minsan nang hindi ito naging katanggap-tanggap sa parte natin. At sa sinasabi ko nga, nagkakaroon ng pagbabago sa katotohanan sa tuwing ang emosyonal na katauhan natin ang nangunguna. Sinasalungat nito ang lahat. Minsan, pinapalitan ng puso ang utak. Madalas, ang puso ang tumatayong matigas sa pagdedesisyon. Dahil sa ating pag-iisip kaya tayo umiiral. Sa katunayang ito marahil minulat tayo sa isang mababaw na pananaw. Pero kahit minsan ba sa buhay mo naranasan mong maging masaya kahit malungkot ka? Siguro dapat kong linawin: Naranasan mo na bang maramdaman na magkaiba ang isinisigaw ng puso mo sa isip mo? Kahit na ano pa mang karanasan iyan, iisa lamang naman ang ipinupunto ko; Maniwala kang hindi lahat ng totoo ay mananatiling totoo. Magkakaiba man tayo kung paano tanggapin ang isang sitwasyon, nagkakaisa tayo bilang isang tao, may damdamin kung tumingin sa mga bagay-bagay.

     Ang sagot sa sarili kong tanong ay hindi na siguro mahalaga. Ano naman kung hindi manahimik ang puso ko sa kagalakan? Malaya ko namang nararamdaman ang puso ko, malaya ko rin siyang pasusubukin ng ibang karanasan. Magandang maranasan niyang maging malakas, mahina, o anupaman. Magandang hindi lamang sa isang perspektibo dapat siya tumingin. Layunin ng utak ko na siya'y palakasin dahil bulag siya sa katotohanan. Layunin ng puso ko na pagpahingahin ang utak ko pa-minsan minsan. Siguro dapat lamang natin maging responsableng tagapangalaga sa kanila. Tayo rin naman ang binigyan ng ganitong mga bagay bakit hindi natin pagkaingatan. Tumbasan man ng maraming layunin sa buhay, ang pagmamahal parin sa huli ang mananaig

P.S. Naisipan kong gumawa ng isang Replektibong Sanaysay na minsan nang naituro ng guro ko sa Filipino na si Bb. Erika (EL Espinosa Hi ma'am! :) he he) Hindi ako makatulog dahil binabagabag ako ng mga salita. Iyong tipong kahit nakapikit ka na, umiiral ang isip mo. Lols. Iyon lang naman....hahaha

1:48 A.M. Thursday, July 26, 2018

Mga Komento

Kilalang Mga Post