Sobrang lamig na
Hindi na nga ako makagalaw ng maayos dahil nanunuot sa buto, nakakatuyo ng labi, ang bawat paglapat ng mga mata mo sa akin. Tanggap ko naman na sa bawat hagis ko ng mga mapanuyong salita ay siyang pagdampi ng napakalamig na hangin. Pinipilit kong itahan ang mga hindi pa nakikilalang nilalang sa puso ko, dahil baka, bigla na lang itong sumabog at hindi mo na makilala.
Malala na ang pagtawag sa hanging hindi ko nakikita at paghalik dito ng nakapikit, walang inaalala.
Sinta, sobrang lamig na.
Bakit hindi mo hayaang tangayin ka ng agos pasilangan?
Nakapagtatakang sa akin mo lahat inilatag ang mga bagaheng dapat sana'y iniwan mo na sa kabundukan ng hilaga.
Matagal na akong naghihintay dito. Umaasang sa unang pagdampi ng sikat ng araw sa aking mga kamay, lalatay ang init na matagal ko ng hinahanap.
Hindi na sana ulit ito matabunan ng mga ulap.
Hindi na, sana.



Mga Komento
Mag-post ng isang Komento