Ako ay Mananatiling Ako


Nahihirapan siyang humabol. 

Matagal na siyang nalunod sa isang abandonadong lawa na kailanman ay hindi niya kinakitaan ng buhay. Matagal na panahon na rin nang huli niyang masilayan ang monumento ng pag-asa. 

Pipiliin niya ang manatili sa kung saan siya ngayon, dahil mas matimbang ang diwa ng pagiging mag-isa. Pipiliin niya ang manatili, dahil mas mabigat ang pansariling suhestiyon sa iba. 

Lalaylay ang mga batong maituturing niyang dahon. Mag-iiba ang pananaw niya sa mga bagay-bagay dahil namumutawi sa kaniyang mga mata ang repleksiyon ng pagkabigo. Paniniwalaan niyang ang kaniyang mga nakikita ay pawang kasinungalingan lamang dahil hindi niya tatanggapin na siya ay natalo. Dahil ang pagkabigo ay iba sa pagkatalo.

Ang pagkabigo ay isa, sa mga nakipag-isa, sa panghihina.

Tunay na sumasalamin sa kan'ya,
Totoong tinatamasa niya.
Ito ang kung anong ngayon,
Sa kung anong hamon ang tinapon ng pagkakataon.

Hindi naman talaga siya tumigil sa pagtakbo. 
Tinapos niya lamang ang paghahabol sa aninong lumalangitngit sa kaniyang harapan. 
Kaya't sa kanyang surpresa,

Nahirapan siyang humabol. 

Inakala niyang malalampasan niya ito, gayong nasa kaniyang likuran ang araw.
Inakala niyang maililigtas niya ang kaniyang sarili, kapag hindi niya ito masilayan.
Pero hindi.

Hindi kailanman magbabago ang sarili niyang repleksiyon.

Siya ay mananatiling siya.

Ikaw ay ikaw.

Kaya't simulan mo ng tanggapin, kaibigan.

Ako, aaminin ko na, ay mananatiling ako.

Mga Komento

Kilalang Mga Post