Nang Minsang Mapadpad Ako Sa LOA
Bigat na bigat akong naglalakad sa pasilyo. Bawat bakas ng hinahakbangan ko ay may naiiwang mga salita – hinuha, suhestiyon, paliwanag at dahilan. Ramdam kong may mga puting aninong nakakapit sa aking panaklay. Muntik na nga akong mabuwal sa dagat dagatang apoy ng maaanghang na pariralang, wari bagang, daig pa ang pakikipagtaltalan sa isang dalubhasang tambay. Tama, sa simula’t simula naman ay hindi ko kayang ipagtanggol ang aking sarili. Kagaya ng mga inakay na tumatangis, iiyak akong nakapikit. Kukuha ng panulat na pinaglipasan ng panahon, dinaanan ng mga likhang komposisyon na kailanman ay hindi nakilala; doon ko ibubuhos ang lahat ng pait. Ang pagsakit ng puso ko na bunga ng patuloy na pagkapit. Ng sangkatauhan, sa isang taong lantad na walang kakayanan sa “pagiging dapat”. Sapagkat, ako ay bunga ng sarili kong panaginip. Ako ay bunga lamang ng imahinasyong nakabubulag sa mata; ang pagkatao ko ang lumukob sa liwanag. Ang umangkin sa pares ng mga matang nawawala rin kapag dumaraan ako sa kinagawian. Ang dahilan kung bakit may mga baluktot na leeg at awang na mga labi. Isang bagay na walang halong tono ng pagsisisi, saksi ang patugon na tunog ng lupa at bakal, masyado kong binibigyan ng pansin ang mga bagay na walang saysay. Tunay na dapat iwaglit sa isip.



Mga Komento
Mag-post ng isang Komento