Haraya ng Pag-ibig
Nakaaaliw ang mga taong dumaraan. Nakikita ko ang samu’t saring bagaheng kanilang lulan sa pagtangis. Tila nagmamadali upang matakasan ang nakaraan. Ang kahapon na kung paanong naiwan ng tren, muling maipit sa gitna ng katakatakot na trapik sa EDSA, at sa eskandalong aabutin sa nakakarinding pagtalak ng manok sa tanghalian.
“Huli na ba sila?” biglaang tanong sa katabi ko. “Marahil tunay ngang pinahahalagahan ng tao ang kahihinatnan ng bukas.” Maagap na tugon naman nito.
Napuno ng hangin ang aking mga baga. Tama, nabubuhay ang karamihan sa realidad. Sa kung paanong mga bagay na ang kumikilos. Sa kung paanong tao ay alipin na ng hinaharap. Maaari naman nating baliktarin ang mga bagay. Sa bagay, prinsipyo ko lamang ito. Ideolohiya laban sa ideolohiya. Paano magwawagi ang kabayong maikli ang biyas sa kabayong mahaba ang biyas? Sa pagiging praktikal, siyempre masasabi nating mababa ang pursiyentong manalo ng kabayong maikli lamang ang biyas. Pero kapag ang teorya na ang nagsalita, paano pala kung na sa kundisyon at magandang pangangatawan ang kabayong mababa, at ang mataas ay hindi. Paano na ang iyong taya? Sayang lamang na karaniwan na sa mga tao ang gumawa ng konklusyon sa paraang nakikita lamang ng mga mata at baliwala na ang mga bagay na pu-pwede pang kahinatnan.
Isang pitik sa kanang tainga ang nagpagising sa akin mula sa mahabang pag-iisip. “Ako ay nahihiwagaan na sa iyo. Talaga bang ika’y gan’yan?” natatawang sambit ng aking bagong kaibigan. “Masyado lang siguro akong napukaw sa iyong huling sinabi.” nagkakamot ulo kong saad. “Iyon lamang ba? Naku! Pansin kong napakaseryoso mong tao. Paminsan minsan nama’y hanapin mo ang saya ng buhay!” sabay tapik sa aking balikat bago ay umalis.
Muli akong napatingin sa mga taong dumaraan. “Hanapin ko ang saya ng buhay?” sa kalagitnaan ng aking kagulumihanan, naiwang nakalutang sa ere ang binigkas ng mga salita ng aking bagong kaibigan. Kasabay nito ang biglaang pagkabig ng hangin. Ang matandang puno sa aking tabi ay tuluyan ng tinapos ang kasarinlan. Ang mga tuyong dahon nito ay hinampas ng hangin patungong kanluran. Malamig. Napahawak ako sa aking mga braso. “Paano ko hahanapin ang saya, kung ngayon pa lamang hindi na sumasang ayon ang tadhana.” Muling umihip ang napakalamig na hangin. “Sa wari ko’y nagdadalamhati na naman si Tungkung Langit sa pagkawala ni Alunsina.” Paisa-isang pumatak ang mga butil ng luha. Hanggang sa hindi ko na mabilang kung ilan. “Ilang beses na bang umiyak si Tungkung Langit para kay Alunsina?” Kagaya ng kung paano nga bang ngumiti, hindi ko na alam. Lampas sa milyung-milyong durog na mga piraso ng bato---ng puso ko.
Padahas kong pinunasan gamit ang likod ng aking kamay ang biglaang pagsulpot ng mga luha. “Saan naman nanggaling ito?” pabulong na abad ko. Hindi man halata dahil sa ako’y basang basa na, sadyang masakit. Buong timbang akong napasandal sa sandalan. Iniangat ang tingin, natakluban na ng makapal na ulap ang araw. Napalitan na ng dilim. Ibinaba ang tingin, muli kong pinagmasdan ang daanan ng mga taong iba na ang lulan. Iba na ang hawak sa pagtangis pabalik. Iba’t ibang kulay, may masaya, malungkot at pag-asa.
“Kuya” isang batang babae ang lumapit, “Basang basa ka na po. Bakit nakaupo ka parin diyan?” tunghay sa mukha ang pagtataka ng batang babae habang nakasilong sa payong na may prinsesa. Imbis na sagutin ay pabalik na tanong kong abad, “Saan naroroon ang iyong magulang? Umuulan.” Biglang napalitan ang mukha ng pagsimangot at pagnguso, “Kayo po ang una kong tinanong, hindi niyo naman po ako sinagot .” pagkatapos ay umalis at pakandirit na iniiwasan ang mga mumunting naipong tubig ulan. Umihip ang napakalamig na hangin. Palibhasa, ako ay basang basa na ng panibugho. Sa mga taong nagkaroon ng espasyo sa mundong ito. Mga taong may halaga.
Umihip ang napakalamig na hangin. Lalong lumakas ang buhos ng ulan. Tila kasabay ng aking kapighatian ang dalamhati niya para kay Alunsina.
Sa kauna-unahang pagkakataon, tumayo ako. Siguro ay sa dala na rin ng lamig, nanginginig ang aking tuhod. Unang hakbang, sabay ang pagbuga ng hinga, nailakad ko. Ikalawa, tama, kaya ko ito. Ikatlo, ang pagbagsak ng kinabukasan ko. Masakit na mga alaaala ang tumalima sa akin sa sitwasyong kahalikan ko ang lupa. Totoo, isa lamang ako sa bunga ng haraya ng pag-ibig. Bunga ng imahenasyong pag-ibig lamang ang mahalaga para mabuhay. Literal na pag-ibig ang ipapakain sa iyo. “Nakakatawang isipin, gutom ako ngayon. Napakain ba ako ng pagmamahalan ninyo?”
Sa pagpapatirapa ko sa lupa, unti unti kong naramdamang mag-isa na lamang talaga ako ngayon. Tumayo akong muli’t sinalubong ng bukas kamay ang bawat patak ng ulan. Magaan. Umupo akong muli sa pambublikong bangkuan. Pinasadahan ko ng tingin ang mga taong nagdaraan. “Tama, ito ang realidad ng buhay. Hinding hindi ako mapapakain ng pag-ibig ng sinumang tao.” Kasabay ng pagtila ng ulan ay ang pagsilip ng bahaghari. “Wala na akong mahihiling pa sa araw ng bukas.”


Mga Komento
Mag-post ng isang Komento