Libro ni Rosas
Nakatanggap ako ng regalo,
pero may bayad...
Dahil nasaksihan ko ang simula.
Nakita ko,
ang bawat sandaling pinuno upang mabuo ang mga kwento
ng pag-ibig,
pagkawasak,
pagbangon
at pagpapalaya,
na iniluwal ng walang halong pagpapanggap.
Patotoo ito na sa likod ng mga salitaan ay may isang babaeng nangangarap.
Nakatanggap ako ng regalo,
pero may bayad...
Dahil walang katumbas ang impluwensiya niya sa akin.
Nagpasimula ng mga talataan ko,
pagkamangha sa mga tugma't tono.
Nakuha kong pangarapin din ang mailimbag,
nang nanguna siyang maghayag.
Nakatanggap ako ng regalo,
pero may bayad...
Dahil ang halaga nito ay mga alaala.
Ang sukli ay pagkamulat at pag-asa.
Nakatanggap ako ng regalo,
pero alam kong lagpas pa ang naturang halaga,
sa binayad ko.
Hindi isangdaan siyam na pu't limang piso ang tutukoy sa bigat na dala nito.
Nakatanggap ako ng regalo...
Nakatanggap ako ng pangarap na nagkatotoo.
~
PS. Sulit lahat ng pagod na ginugol mo sa librong 'to.
Ito na ang patunay na,
mayroong bigat,
halaga,
at kwenta,
ang lahat ng mga naisulat mong akda.
Mayroon ka nang nagagawang ingay!
Simula pa lamang ito!
Labyu, proud of u, always, Rosas!
Ang una mong tagahanga,
Serds.



Mga Komento
Mag-post ng isang Komento