Noong ika-apat ng Agosto
Maambon, malamig, masaya't malaya.
Maambon, malamig, kalinga't pag-asa.
Maambon, malamig, gunita ay mahiwaga,
Isang gabing maambon, malamig, at ako'y nakalaya.
Sa sakit, sa tanong, kagulumihanan;
Ng katawang lupaypay, saysay ay lumisan.
Isang pagsasama na sana'y tatanggihan,
Paglapit ay kumapit at higaan ay iniwan.
Mga labi, mga kamay, at mga tiyan.
Mga puso at isipan.
Mga pamanang alaala ang binitawan,
Ng isang gabing maambon, malamig, ang aming namasdan.
Isa itong gabi ng pagkukwento,
Isang gabing pagsasamang nabuo.
Mga kuwento ng pagbabago ay baon sa hapag,
Mga istoryang natabunan ng pagkain nang mailapag.
Bagamat may mga napaso,
Marahil kamay, labi, o ang puso,
Paniniwala ko'y solido,
Pagmamahal ito.



Mga Komento
Mag-post ng isang Komento