Ang Panimula


Napapasulat ako dahil bigla ko na lang natagpuan ang mga salita sa ilalim ng aking unan.
Nakapagtitipa ako dahil bigla na lang itong umusbong sa aking isipan.
Sumusulat ako hindi dahil gusto ko lang,
Ito ay aking kalayaan.

Naiwawala ako sa mundong hindi ko maintindihan.
Madalas na taliwas sa lahat ng aking prinsipyo.
Ito ang aking munting kaibigan;
Nakatira ito sa kaibuturan ng aking pagkatao.

Hindi sa ito'y natutunan ko lang.
Ito ang halos magturo sa akin na maging matapang.
Lahat ng mga naisulat ko ay makatotohanan,
Makatotohanan dahil ito ay aking naramdaman.

Sa paraang nasaktan ako.
Sa panahong minsa'y masaya ako.
Madalas ay patungkol sa kalungkutan,
Dahil madalas din akong manganak ng karamdaman.

Ang pagsulat marahil ng katotohanan ay simple para sa akin.
Pagsulat ng kasinungalingan ang hindi.
Totoong ang lahat ng galing sa puso ay mananatiling totoo,
Mabubulag ang taong nakapagbasa ng perpekto.

Mga Komento

Kilalang Mga Post